LANGUAGE

広告特集 企画・制作 朝日新聞社メディアビジネス局

LANGUAGE

SHARE

Landas ng Pagsuporta sa Para-athlete mula sa Kaalaman ng Physiotherapist

Tokyo Metropolitan University, Associate Professor (Physiotherapist)

Nami Shida

Malapit na ang Palaro ng Tokyo 2020, at mapapansin ang unti-unting pagtaas ng interes sa mga palarong paralimpiko. Sa mga ito, tanyag na paligsahan ang wheelchair basketball na opisyal na event sa tag-init mula sa una nitong pagdaraos noong 1960. Gumagamit ng wheelchair ang mga atletang may spinal cord injury o lower limb deficiency at naglalaban sila sa halos parehong tuntunin ng karaniwang basketball. Naakit sa mabilis at mahigpit na labanang ito, may isang babaeng naging physiotherapist, at nagpapatuloy ng suporta mula sa panahon ng pagbubukang-liwayway ng parasports. Nakapanayam namin si Ms. Nami Shida na kasalukuyang nagtuturo ng physiotherapy bilang associate professor sa kolehiyo, at nagbubuhos ng maapoy na pasyon sa pagsulong ng sports para sa taong may kapansanan.

Naging hudyat ang anyo ng batang lalaking na-amputate ang binti na naglalaro ng sports

Noong nasa high school si Ms. Shida nagpasya na hangarin ang pagiging physiotherapist. Pumasok siya sa quota ng rekomendasyon sa basketball sa eskuwelahang malakas dito. Naaalala niyang panahon iyon kung kailan habang naghahangad siyang makapaglaro para sa koponan ng kumpanya, nakaranas siya ng pinsala sa tuhod, at nararamdaman niya ang ligalig sa sariling kinabukasan bilang atleta.

“Nahuli ang mata ko sa nagkataong nakita kong laro ng wheelchair basketball. Nagulat akong kahit may kapansanan, nakakapaglabanan ng ganitong kagilas-gilas. Nasabik ako at naisip na walang ganitong nakawiwiling sports. Naging malaking hudyat din ang pagpanood ko ng programa kung saan naglalaro ng sports ang batang lalaking na-amputate ang binti. Nakita ko ang physiotherapist na sumusuporta sa kanya, at naisip kong gusto kong gawin ang ganoong trabaho. Mula noon, hindi atleta kundi landas ng pagiging physiotherapist ang hinangad ko”

Ang trabaho ng physiotherapist ay sumuporta sa paggaling at pagpapanatili ng motor function gamit ang exercise therapy o physical therapy sa taong tinatayang magkaroon ng kapansanan sa katawan dahil sa sakit, aksidente o iba pa. Kung nagkaroon ng kapansanan sa gitna ng buhay dahil sa aksidente at iba pa, maaari ring matagalan ang mental na paggaling, at dahil sinasamahan din ang kalooban, tinatawag ding PT (Physical Therapist). May pambansang lisensya para rito, at sa pamamagitan ng 3 taon o higit pang pag-aaral sa training school, matatamo ang kwalipikasyon para kumuha ng pagsusulit. Pagkatapos makuha ang lisensya, nagtatrabaho sa ospital o pasilidad para sa rehabilitasyon, pasilidad kaugnay sa long-term care insurance at iba pa, at nitong mga nakaraang taon, dumarami ang kaso ng mga nagsisikap bilang miyembro ng support team ng atleta.

Tumutulong sa pagpapabalik ng lakas mula sa pagod pagkatapos ng praktis, at nagsasagawa ng pagmamasahe para iangat ang kondisyon ng manlalaro. *Mula sa mismong tao ang litrato

Nabagbag ang puso noong sumama sa junior wheelchair basketball tournament

Noong nasa pasilidad para sa rehabilitasyon si Ms. Shida, masigla niyang sinuportahan ang wheelchair basketball team sa loob ng pasilidad bilang boluntaryong staff. Tatlong araw sa isang linggo, pumupunta siya sa gym nang pagod ang katawan pagkatapos ng trabaho. Doon, nagsasagawa siya ng maintenance ng katawan ng mga manlalaro, at nagbibigay ng pansin sa risk management. Nagbibigay din siya ng patnubay ayon sa pangangailangan, tulad ng hakbang laban sa pressure sore na dulot ng pagkadikit ng likod sa sandalan ng wheelchair, pagsasaayos ng temperatura ng katawan ng manlalarong hindi pinapawisan dahil sa sakit sa pagpapawis at iba pa. Kaunti at pili lang ang staff. Kinaya niya mula sa pagpulot ng bola sa praktis hanggang sa pagsama sa labanan sa malayong lugar.

“Malaki rin ang inunlad ko mismo pagkatanggap ng maraming estimulo sa iba’t ibang sitwasyon. Sa mga ito, hindi ko malilimutan ang ‘U-23 Junior World Championships’ noong 2005 kung saan unang beses na nanalo ng 2nd place ang sinusuportahan kong team. Noong panahong iyon, nag-uukol din ako ng oras sa paglilinang ng susunod na henerasyon ng manlalaro ng wheelchair basketball.

Sa kabilang banda, nagsusumikap naman upang manalo sa Japan Championships ang kinabibilangan kong team. Pero dito rin, sayang at natatalo sa gitna ng tournament taon-taon. Pinakanakakabagbag puso, o nakapupukaw ng damdamin ang panahong habang nasasayangan na ‘Ah, talo na naman ngayong taon,’ taas noo pa rin na ‘Magsumikap tayo muli para sa susunod na taon’.”

Nanalo ng gantimpala ang sinusuportahang team sa National Invitational Tournament (Nasa hilera sa likod, pang-2 mula sa kaliwa si Ms. Shida). *Mula sa mismong tao ang litrato

Hindi nagtagal, may mga samahang pampalakasan ng iba’t ibang sports para sa taong may kapansanan ang humiling na makipagtulungan sa kanila, at isa sa mga naharap niya ang malaking balakid na “Bakit ganitong kahirap mapalaganap ang sports para sa taong may kapansanan sa Japan?” Dahil dito, tumuloy siya sa panggabing graduate school para sa mga nagtatrabaho para mag-aral tungkol sa sports management. Noong nagtapos na siya sa graduate school, nagretiro siya mula sa pasilidad para sa rehabilitasyon para higit pang mapalawak ang lugar ng kanyang aktibong pagkilos, at natupad ang paglipat niya sa kasalukuyang trabaho.

“Gusto kong katulad ng mga taong walang kapansanan na nakakaramdam na malapit sa sarili nila ang ehersisyo, maramdaman din ng mga taong may kapansanan na malapit sa sarili nila ang ehersisyo. Gumawa ako ng bagong hakbang sa paglalayon ng lipunan kung saan magaan ang loob na masisiyahan sa ehersisyo sa pamamagitan ng pakikitungong iba sa ginawa hanggang ngayon.”

Sports bilang paraan ng pag-iwas sa caregiving at kinabukasan ng physiotherapist

Ngayong taon, 13 taon na mula nang maging guro sa kolehiyo si Ms. Shida. Sinasabi niyang mula nang napagpasyahan ang Palaro ng Tokyo 2020, nararamdaman niyang unti-unting nagbabago ang ihip ng hangin sa mundo tungkol sa sports para sa taong may kapansanan.

“Patuloy at palagi akong sinasabihang ‘Hanggang kailan mo ba iyan gagawin?’ Pero sa tingin ko malaki na rin ang ipinagbago ng ganyang kawalan ng pag-unawa. Lumalim ang pag-unawa sa mataas na antas ng palarong isinasagawa ng mga para-athlete, at kahit parasports, mayroon na ring popular na palaro na marami ang nanonood. Pero sa kabilang banda, ang prangkang opinyon ko ay hindi pa nagiging ‘lipunan kung saan masisiyahan sa ehersisyo sa araw-araw ang kahit sino,’ tulad ng mga taong may mabigat na kapansanan, matatanda at iba pa.

Samantala, minsan napapatigil at napapaisip ako kung ano ang magagawa naming mga physiotherapist na lampas 100 libong tao* na ngayon. Nitong mga nakaraang taon, nakakakuha ng pansin ang trabaho sa larangan ng caregiving mula sa pananaw ng ‘pag-iwas,’ at pakikitungo sa sports sa pamamagitan ng suporta sa atleta. Ngayong may pangangailangan na pahabain ang tagal ng malusog na buhay tungo sa panahon ng 100 taong buhay, sana mas makagawa pa ng mungkahi upang maging malapit sa sarili at masayang magawang bahagi ng buhay ang ehersisyo.

Halimbawa, dahil akmang-akma ang mga galaw sa golf para sa mga taong paralisado ang kaliwa o kanang bahagi ng katawan at mga matatanda, subukan ang driving range o target bird golf (isang uri ng mini-golf). Hindi lamang ang day service sa pasilidad para sa caregiving, gumawa ng pub community kung saan madaling magtitipon ang lahat, at iba pa. Sa tingin ko, kailangan ng matatanda ang estimulong tulad ng pananabik at pagtibok ng pusong mula sa panonood ng sports.”

*Kulang-kulang sa 120 libong tao ang bilang ng kasapi ng Japanese Physical Therapy Association (Incorporated Association) sa katapusan ng Marso 2019

Sana maging karaniwan lang na makakantyawan ng “Bulok!”

“Kahit ninanais kong maging mas malapit, mas karaniwan ang iba’t ibang bagay, may damdamin tayong mapagbukod sa naiiba, at ayaw lumapit sa bagay na hindi natin alam. Pareho rin ang caregiving at suporta sa taong may kapansanan. Lahat tayo nag-iisip na ‘Puwede kayang kausapin? Baka hindi puwede’ at napapatingin mula sa malayo. Pero kahit hindi sarili mismo ang makitungo, kung malapit sa sarili ang taong nag-aalaga o taong inaalagaan sa caregiving, o taong may kapansanan, maiisip na ‘Ah, kung ganito pala, kailangan ang ganito’ at maaaring magkaroon ng pagkakataong malaman ang wastong pakikitungo. Sa tingin ko, mahalaga una sa lahat ang malapit sa sarili.

Sa sports para sa taong may kapansanan, hindi madali para sa taong nanonood na mangantyaw. Parang pumalakpak tapos ‘Yey!’ habang tumatango. Sa tingin ko, kapag kayang mangantyaw, kaagad maaalis ang pagkahigpit, at magiging natural at karaniwang tanawin lang ito.

Simula pa lang, sa sports nagsasaya sa ‘hindi puwedeng gawin’ na nakatakda sa tuntunin. Sa volleyball, hindi puwedeng pahulugin ang bola, at sa rugby, hindi puwedeng dalhin ang bola sa harap. Nadadagdagan ang katuwaan ng laban dahil may pagbabawal. Sa blind soccer, nagsusuot ng goggles dahil ‘hindi puwedeng tumingin.’ Pareho rin sa suika-wari (literal na “biyak pakwan,” palarong tulad ng hampas palayok pero hindi nakasabit ang pakwang hahampasin), nagkakaroon ng katuwaan dahil nakapiring ang mata. Pareho rin dito. Dahil ginawan ng paraan ang tuntunin ng sports para sa taong may kapansanan, isa rin sa mga nagdudulot ng galak sa panonood ang galing ng strategy sa sports para sa taong may kapansanan. Umaasa akong darating ang araw na matatanggap ito bilang malapit sa sarili at karaniwan, nang walang labis na negatibong damdamin o positibong damdamin, bilang bagong aliwan.”

(Nakipagtulungan sa pagtitipon ng materyales: Asei Machi)

PROFILE
Ms. Nami Shida / Pagkatapos magtrabaho sa Saitama Rehabilitation Center, kasalukuyang nagtatrabaho bilang guro sa Department of Physical Therapy, Faculty of Health Sciences ng Tokyo Metropolitan University. Mula noong estudyante pa, nag-uukol ng oras sa sports para sa taong may kapansanan, at may karanasan ng pagsama sa junior training, international tournament at iba pa. Medical, scientific, information support member ng Japanese Paralympic Committee, miyembro ng Japanese Physical Therapy Association 2020 Sports Physiotherapy Legacy Review Committee, sports coach ng taong may kapansanan sa Japanese Para-Sports Association (Incorporated Corporation).

HOME