LANGUAGE

広告特集 企画・制作 朝日新聞社メディアビジネス局

LANGUAGE

SHARE

Paglipat sa industriya ng caregiving noong 50 taong gulang Salaysay ng propesyonal tungkol sa “akit ng caregiving”

Maaaring magningning ang tao kahit ilang taon pa siya ---. Sa industriya ng caregiving, mayroong babaeng nagbibigay-anyo dito. Ang pangalan niya ay Midori Kataoka. Lumipat sa industriya ng caregiving noong 50 taong gulang. Tinanong namin si Ms. Midori Kataoka na patuloy na lumalakas ang ningning kahit ngayong 70 taong gulang na siya, tungkol sa “akit ng caregiving” at buhay niya hanggang ngayon.

Walang kahit anong layunin noong pagkabata

Ipinanganak si Ms. Kataoka sa lungsod ng Chitose sa Hokkaido. Noong nasa high school siya, ang nalalarawan sa isip niyang pangarap sa kinabukasan ay “maging guro.” Pero sabi niya “Basta parang nai-imagine ko lang iyon, at noon, bata akong walang kahit anong layunin.”

“Mula ng pagtatapos sa high school, kumuha ako ng office job. Pagkatapos noon, lumipat ako ng trabaho at pumasok sa Tomakomai Consumers’ Co-operative (kasalukuyang Coop Sapporo). Doon pinagpalaan ako sa bos, na nagparanas sa akin ng iba’t ibang bagay tulad ng karaniwang trabaho sa opisina at pangangasiwa sa nangungupahan, pangangasiwa sa proseso ng pagbubukas ng bagong tindahan, trabaho ng buyer ng mga damit, paglulunsad ng negosyo sa paglalakbay, at iba pa” (Ms. Kataoka, pareho rin sa ibaba)

Pero nakita niya ang bos niyang namumroblema sa kanyang career, at napaisip din daw si Ms. Kataoka tungkol sa kanyang buhay. Naging pahiwatig doon ang mga salitang “Mabuting maging alerto sa negosyong nauukol sa matatanda dahil dadami ang matatanda mula ngayon.”

“Dahil doon ako kumuha ng lisensya ng ‘Level 2 helper.’ Kapagdaka, iminungkahi ng kaibigan kong nakakita sa kalagayan ko, na magtrabaho ako sa Care Service Tomakomai. Noong panahong iyon, dahil din ipapatupad ang sistema ng long-term care insurance, bumubugso ang pag-asa sa negosyong nauukol sa matatanda. Hindi ako masyadong nag-isip, pumasok na lang ako sa industriya ng caregiving tulad ng pagkaalok sa akin”

Pumasok sa industriya ng caregiving noong 50 taong gulang Subsob na subsob na umakyat pataas

Pinakinabangan ni Ms. Kataoka na lumipat mula sa ibang uri ng industriya, ang karanasang nalinang sa career niya hanggang noon, at sunod-sunod siyang nakakuha ng mga kliyente.

“Noong panahong iyon, wala masyadong konsepto ng benta o sales sa industriya ng welfare. Pero agresibo akong kumilos sa sales. Isa-isa kong inikutan ang mga pabahay kung saan nakatira ang mga matatanda, at agresibo ko silang kinausap. Kapagdaka, hindi rin nila alam ang tungkol sa sistema ng long-term care insurance, kaya masisig silang nagtanong tungkol dito. Bilang resulta nito, 80 porsyento ng mga matatandang kinausap ko ang naging kliyente”

Nanungkulan sa pagkadirektor si Ms. Kataoka limang taon pagkatapos niyang pumasok sa kumpanya. Kamangha-mangha ang career step na ito. Gayunman, 50 taong gulang na siya nang pumasok siya sa industriya ng caregiving. Wala kaya siyang balisa sa paglipat pagkatanda niya?

“Kasinungalingan kung sabihin kong wala akong balisa, pero sa tingin ko, umaapaw ang aking vitality. Kung para mabuhay, balak kong gawin ang kahit ano. Sa pinasukan kong industriya ng caregiving, sa pinakasaligan, mas matanda ang lahat ng mga kliyente. Naisip kong kung dito, matagal siguro akong makakapagtrabaho, at masuwerte siguro ako dahil aktibo pa rin akong nakakapagtrabaho nang ganito. Sa pinakasaligan, buong lakas lang akong nakipagbuno sa mga bagay na nasa harap ko.”

Ginagawa ang lahat ng makakaya sa lahat ng bagay. May episodyo kung saan masusulyapan ang ganitong saloobin ni Ms. Kataoka.

“Pagkapasok na pagkapasok ko sa industriya ng caregiving, noong mga 52 taong gulang ako, pumasok ako sa correspondence course ng Nihon Fukushi University. Nagsisisi akong hindi ako nakapunta sa kolehiyo. Kinaya ko ang schedule sa isang buwan sa panahon ng schooling na, pumupunta sa Tokyo ng Biyernes ng gabi, 2 araw na kumukuha ng klase, at umuuwi sa Hokkaido sa huling biyahe ng eroplano ng Linggo. Kahit papaano nakapagtapos ako sa loob ng 4 na taon”

Noon pa man “Nagsisisi ako kapag wala akong ginawa sa araw na walang pasok,” tumatawang sabi ni Ms. Kataoka. Pagkatapos din ng kolehiyo, ipinagpatuloy niya ang masigasig na pagkilos, at kapag araw na walang pasok noong panahong direktor siya ng pasilidad ng special nursing home for the aged, masugid siyang nakikilahok sa mga seminar na dinaraos sa Tokyo. Dahil marami siyang naging kaibigan doon, nagpasya siyang lumipat ng tirahan sa Kalakhang Tokyo mula sa Hokkaido. Taong 2017 iyon. Mula noong tag-init, nagsimula siyang magtrabaho bilang direktor ng pasilidad na “Lafesta Yoshikawa” na pabahay para sa matatandang may kasamang serbisyo ng caregiving.

“Pero, maraming bagay na nakalito sa akin sa pagbabago ng aking kapaligiran. Noong nasa Hokkaido ako, nakakaya namin ng mga taong nakatira sa buong pasilidad na harapin ang ‘mitori’ (pagbabantay sa taong maysakit hanggang sa kanyang kamatayan), pero mahirap ipalaganap iyon sa bago kong pinagtrabahuhan. Kahit mayroong namatay, dinadala sa punerarya nang hindi ipinapaalam sa ibang nakatira sa pasilidad. Pero mali iyon. Gusto kong hindi itago ang kamatayan, kundi ihatid sila nang masaya, ‘Nabuhay ka nang lubos, di ba?’ Sa wakas, unti-unti na ring nauunawaan ng mga staff sa lugar para sa caregiving ang mithiing ito”

Lilipat ng trabaho sa 2020 Patuloy ang hamon

Kapag tinitingnan si Ms. Kataoka, may impresyon na hindi siya mag-aatubiling magpunyagi kahit maging ilang taong gulang pa siya. Saan nagmumula ang motibasyong iyon...

“Siguro ang mapasalamatan ng ‘Arigato’ (salamat) pa rin. Ang caregiver ay trabaho kung saan makukuwestiyon ang iyong pagkatao. Kaya nga nauugnay sa motibasyon ang mapasalamatan ng mga nakatira sa pasilidad at ng pamilya nila. Sa totoo lang, maraming caregiver na nagsisikap sa ganitong dahilan. Subalit para rito, kinakailangang igalang ang mga nakatira sa pasilidad. Una, silang lahat ay higit na nakatatanda at mas maraming karanasan kaysa sa amin”

Bukod dito, mayroong bagay siyang pinahahalagahan.

“Iyon ay ang ‘kilalanin’ ang mga nakatira sa pasilidad. Siyempre, may hangganan ito, at kung hindi kilala, ganoon na lang, kahit hindi kilala magagawa pa rin ang caregiving. Pero sa pamamagitan ng pag-alam kung anong buhay ang pinagdaanan nila, mas lalawak ang saklaw at damdamin sa caregiving. Madalas na sinasabi ni Dr. Nobuhiko Sato, na nagbukas ng ‘Monogatari Clinic’ sa lungsod ng Tonami sa Toyama prefecture, na ‘Wala ka bang hindi natapos, wala ka bang hindi nasabi, wala ka bang hindi nakain.’ Palagi kong iniisip ang mga salitang ito, at sa pag-aalaga rin, gusto kong isaganap hangga’t maaari ang mithiin ng bawat isa. Pero hindi ito madali, kasi may iba’t ibang balakid sa lugar para sa caregiving, e”

Si Ms. Kataoka na nag-career change sa industriya ng caregiving noong 50 taong gulang, at mula noon nagpatuloy ng gawaing umaapaw ang vitality. Kahit ngayong naging 70 taong gulang na siya, walang nalalamang hangganan ang kanyang mga pangarap.

“Upang maisakatuparan ang gusto kong gawin, balak kong magsimula ng bagong hamon sa taong 2020. Kung isasaalang-alang din ang edad ko, malamang magiging huling trabaho ko na ito. Kaya nga gusto kong matupad ang pangarap ko sa kapaligiran kung saan kaya kong makiisa sa simulain. Ngayon pa lang nasasabik na ako sa kung ano ang magagawa ko”

Ang hamon ni Ms. Kataoka, hindi pa rin matatapos.

(Nagtipon ng materyales at nagsulat: Masaru Igarashi, Kumuha ng mga litrato: Mariko Tosa, Nakipagtulungan sa pagtitipon ng materyales: Asei Machi)

PROFILE
Midori Kataoka / Ipinanganak noong Setyembre 1949, taga-Hokkaido. Pumasok sa Ito Ham Provisions Co., Ltd. noong 1968. Pagkatapos noon, nagtrabaho sa Tomakomai Consumers’ Co-operative at pagkaraan, pumasok sa Care Service Tomakomai noong 1999. Nakaranas magtrabaho sa iba’t ibang lugar para sa caregiving tulad ng home-visit care, in-home care support, special nursing home for the aged at iba pa, at kasalukuyang nagtatrabaho sa Lafesta Yoshikawa.

HOME