LANGUAGE

広告特集 企画・制作 朝日新聞社メディアビジネス局

LANGUAGE

SHARE

Ang pagbayad ng utang na loob sa Pampublikong Kapakanan: Isang batang bayani mula sa pasilidad para sa may kapansanan

Mula sa Nagaike, istasyon ng JR tren sa siyudad ng Joyo sa Kyoto, dadaan sa kalye ng mga tirahan, lampas sa mga pabrika at pagawaan ng bakal at piyesa, at lakad ng 15 minuto. Pagdaan sa malaking gate at pagpasok sa loob ng compound, sa malaya at malawak na 3 hektarya, may nakakalat na gusali gawa sa salamin at konkreto na dinisenyo ng kilalang arkitekto. Mayroong hardin sa loob ng mga gusali na namumulaklak ng sakura tuwing tagsibol, at pag-ikot mo sa lugar, makikita mo ang nakapaligid na konkretong daanan at nagmistula itong hardin.

Ang mga ito ay ang mga makabagong gusali sa loob ng pasilidad ng Minami Yamashiro Gakuen, isang korporasyon para sa Pampublikong Kapakanan. Pinangalan ang mga gusali ng tig-iisang simbolo: Ang Madoka (Tahimik), ang Nagomi (Mapayapa) at ang Sakigake (Nauuna). Ito ay mga pasilidad para sa pagtulong sa may kapansanan at lugar ng trabahuhan. Ang Minami Yamashiro Gakuen ay tinayo noong 1965 bilang pasilidad para sa may kapansanan sa pag-iisip. Bilang pagsabay sa panahon, hindi lang ang may kapansanan lamang ang sinusuporta nito kundi pinalawak rin hanggang sa mga nakakatanda at mga sanggol. Mayroon itong 38 na tanggapan sa loob ng Kyoto at Osaka at dumami ang bilang ng kanilang tauhan ng mga 750 katao.

Tinayo noong 1974 bilang pasilidad para sa may kapansanan kung saan maaaring “Mamuhay habang nagtratrabaho”

Habang kami ay naglalakad, tamang-tama at katatapos lang ng lunchbreak ng mga residente ng pasilidad (ang mga may kapansanan) ay lumabas galing sa canteen. Patungo sila sa trabaho nila para sa hapon, kagaya ng paglaba at mga industriyang pambahay. Pagkabati ko sila ng “Magandang araw” masaya silang lumapit at sinalubong ako. Sabi ni Soya Sato (33), bise-manedyer ng “Sakigake” pasilidad para sa may kapansanan, “Interesadong-interesado sila kapag may bagong nakilala.”

Ang Sakigake ay pinatayo noong 1974 bilang pasilidad kung saan maaring magtrabaho ang may kapansanan. Ang layunin ay gumawa ng isang lugar kung saan pwede “mamuhay habang nagtratrabaho.” Sa kasalukuyan mayroong 60 na katao na residente ng pasilidad, karamihan ay edad mula 10 hanggang 70 anyos na may kapansanan sa pag-iisip. Nabubuhay sila habang tinutulungan kumain, maligo, sa gawain sa bahay atbp. sa loob ng pasilidad. Ang tinatawag na B na uri ng pagsuporta ay kung saan patuloy ang pagtrabaho ng may kapansanan sa araw, maluwag na pagtrabaho na hindi nakatali sa kontrata. Bukod sa kanila mayroon mga 20 katao na nag-uuwian araw-araw mula sa kanilang sariling bahay o mula sa kanilang group home (pasilidad kung saan naninirahan nang magkasama ang nangangailangan ng suporta), at ang ilan sa kanila ay nasa ilalim sa A na uri na pagsuporta kung saan nagtratrabaho sila sa ilalim ng kontratang pagtrabaho para sa Minami Yamashiro Gakuen at naghahangad na makatrabaho sa isang ordinaryong kumpanya. Sinabi sa akin ni Sato na “Ngayong taon mayroong 2 kaming residente na tinanggap na magtrabaho.”

Sa pasilidad, bukod sa canteen at shower room, mayroong 14 na kwarto para sa mag-isang tao at 23 na kwarto para sa dalawang tao. Pinakita sa akin ang kwarto para sa dalawang tao na lalaki, mayroon itong malaking bintana at kakasya ang 8 tatami mat. May aparador, telebisyon atbp. para sa bawat kama. Maayos na nakalagay ang video game at dvd player, mistulang kwarto ng ordinaryong batang Hapon. Mayroong patakaran tungkol sa pamumuhay katulad ng tungkol sa pagkain at pagligo ngunit sabi ni Sato, “Iniingatan namin na hindi maging istrikto.” “Sa sarili mong bahay kumakain ka, naliligo ka, natutulog ka sa oras na gusto mo, diba. Gusto namin maramdaman nila ang ganyang uri na pang-araw-araw na kasiyahan.”

Pinaprayoridad ang trabaho na nais nilang gawin at kung saan sila magaling

Sa araw, abala sila sa trabaho sa loob at sa labas ng Minami Yamashiro Gakuen, 5 araw bawat linggo, mula 9:30 ng umaga hanggang 4 ng hapon. May 5 silang gawain: paglaba, mga industriyang pambahay, pagtrabaho sa sakahan, pagputol ng damo at paglaba para sa mga pasilidad para sa nakakatanda na pinapatakbo ng ibang kumpanya. Pagpasok nila sa Gakuen at nasubukan ang lahat ng trabaho, pipiliin nila mismo ang nais nilang gawin. Binabayaran sila ng sahod isang beses bawat buwan depende sa bilang ng oras sila nakatrabaho. Pagbisita namin sa lugar ng paglabada na trabaho na malapit lang sa Sakigake, lumulutang sa hangin ang masarap na bango ng labada.

Mayroong 7 malalaking uri ng washing machine at dryer at 8 na residente na abala sa pagtiklop ng damit at tuwalya. May labada mula sa mga 200 katao sa bawat pasilidad ng Minami Yamashiro Gakuen na kinokolekta at binabalik araw-araw. Sa tabi may mga lalaking tauhan ng Gakuen na nagbabantay sa gawain. “Ang mga magaling sa makina ay ang nag-oopera ng washing machine at dryer. Ang mga marunong magbasa ay binabasa ang pangalan nasa labada habang binubuklod ang mga gagawin. Nakatalaga sila sa trabaho kung saan sila magaling.” Dahil dito ang bawat isa ay mukhang masaya at puno ng sigla.

Sa magkahiwalay na gusali ay ang pagawaan ng industriyang pambahay kung saan sila ay abala sa pagbuo ng mga kahon ng matatamis na maaring pang-regalo, pagpasok ng flyer sa loob ng kahon, at iba pang natanggap na trabaho mula sa mga kumpanya o munisipyo. Sa mga trabaho na madaling magkamali kapansinpansin ang paggamit ng mga paalala na sinulat ng mga tauhan at iba pang paraan ng pagpa-alala. Pagtanong ko sa isang lalaki na mga 50 anyos, na sanay sa pagbuklod ng mga flyer, kung “Kamusta ang trabaho?” pinakitaan niya ako ng ngiti at sinabi “Opo, masaya.” Beterano daw siya na nanagtatrabaho na ng mahigit 30 taon.

May 2 babae na sabik na nag-oobserba sa gawain bilang pag-aaral. Nasa ika-3 taon na sa unibersidad na nag-aaral ng Pampublikong Kapakanan. Pagkasubok nila na maka-obserba sa aktwal na pagsilbi sa Pampublikong Kapakanan sa Minami Yamashiro Gakuen, tinanggap nila ang mag-internship. Sabi nila ”Maraming nakangiti, masigla. Iba sa karaniwang imahe ng mga pasilidad para sa may kapansanan.” Sinabi ng isa na gusto niyang makapagtrabaho sa isang pasilidad para sa Pampublikong Kapakanan balang araw.

Paglaki sa bahay ampunan: Daan papuntang paglingkod sa Pampublikong Kapakanan

Habang naglalakad kami sa loob ng malawak na compound, tinatanong ni Sato sa mga residente kung “Kumain na ba kayo?” sa dialekto ng Kyoto. Pagkatapos ng 3 taong nagsilbi bilang tauhan sa Sakigake, nahirang siya bilang bise-manedyer mula Abril 2019. Sa Oktubre ng parehong taon, nagplano siya ng pulong kasapi ang mga nagpapalakad ng korporasyon para sa Pampublikong Kapakanan sa buong bansa at napili siya na makatanggap ng parangal bilang “Bayani ng Pampublikong Kapakanan” na ang layunin ay makilala ang mga batang empleyado ng mga korporasyon para sa Pampublikong Kapakanan na may umaalab na damdamin. Ang daan na tinatahak ni Sato sa Pampublikong Kapakanan ay dahil sa isang natatanging alaala.

–– Bakit ninyo naisipang magtrabaho para sa Pampublikong Kapakanan?

Mula noong ako ay 3 hanggang 20 taon na gulang, pinalaki ako sa isang pasilidad ng bahay ampunan, kasama ang aking kuya. Ang mga kaibigan ko ay nakakauwi sa bahay kung saan may ama at ina. Ako lamang ang umuuwi sa lugar na may takdang patakaran parang eskwelahan, patakaran sa bawat maliliit na bagay katulad sa tungkol sa pagkain, pagligo, oras ng pagtulog atbp. Nagrebelde ako sa ganoong buhay at nakapaggsalita ako ng masama sa mga tauhan ng pasilidad. Tuwing nagagalit sila at ayaw intindihin ako, sinasabi sa akin, “Kung ganyan ang ugali mo, umalis ka na lang”, at iniisip ko na “Hindi naman ako andito dahil gusto ko.”

Ngunit, may iisang tauhan na naiiba. Kahit tuwing tinatawag siya ng eskwela dahil sa kalokohan ko palaging tinatanong sa akin, ”Hindi mo naman gagawin yun nang walang rason. Mayroon ba nangyari?” Kapag humihiga ako sa kama sa kwarto ko sasamahan niya ako at kakausapin ako nang nakatingin sa mga mata ko.

Malapit na ako maging 20 anyos noong tumigil ako ng high school at naglibang habang nagtratrabaho ng part time job. Umalis ako sa pasilidad at kinailangan tumayo nang sarili. Kaya sa unang pagkakataon napaisip ako tungkol sa aking kinabukasan. Tuwing binabalik-tanaw ang mga nagawa ko hanggang ngayon, nakikita ko ang mukha ng tauhan na palaging nakikinig sa akin. Naisip ko, “Gusto kong bayaran ang utang ng loob ko sa Pampublikong Kapakanan na sumuporta sa akin hanggang ngayon, at naging interesado ako na magtrabaho para sa Pampublikong Kapakanan. Pumasok ako ulit sa regular na high school at nag-gradweyt sa gulang ng 22 anyos.

Ang mga lugar na nagbibigay-alaga ay “Magkakasunod ang pagkabigla”

–– Ano ang ibig sabihin ng “Nais ninyo bayaran ang utang na loob ninyo sa Pampublikong Kapakanan.” Anong eksaktong naisip ninyong gawing trabaho?

Gusto kong magtrabaho sa lugar na nagsisilbi sa Pampublikong Kapakanan. Naisipan kong subukan maging may kaugnayan sa institusyon ng Pampublikong Kapakanan bilang empleyado, hindi lamang para sa pag-aalaga ng bata, pati para sa may kapansanan, pati para sa nakakatanda. Pagkatapos kong sabihin na “Gusto kong magtrabaho para sa Pampublikong Kapakanan at humingi ako ng payo sa guidance counselor, dinalhan niya ako ng maraming Help Wanted na flyer. Kasama doon yun para sa Minami Yamashiro Gakuen. Mas malaki sila kumpara sa ibang korporasyon. Naakit ako dahil pinapalago dito ng may kapansanan at ng nakakatanda atbp. ang iba’t-ibang uri ng negosyo, kaya pumunta ako para kumuha ng interview. Natanggap ako at noong kinuwento ko sa tauhan na nag-alaga sa akin sinabi niya sa akin, “Bagay na bagay sa iyo, diba?”

Pumasok ako sa Minami Yamashiro Gakuen noong 2010. Sa unang 3 taon tinalaga ako sa day service (bumibisita sa tahanan upang alagaan) sa “Kirameki, pasilidad para sa pag-alaga ng nakakatanda.” Pagsubok ko na gawin ang trabaho, magkasunod-sunod ang pagkagulat ko. Bago noon, wala pa akong naranasan sa mga nakita o nagawa ko sa pagtulong sa pagligo at pagdumi. Sabi ko “Ganito pala.” Nalaman ko na marami palang tao nagtratrabaho na hindi nakikita ng ibang tao. Gumawa ako ng plano tungkol sa pag-alaga habang binibigyan-halaga ang mga taong nagtratrabaho sa iba't-ibang posisyon, ang mga nars, tauhan, care managers atbp.

“Ang komunikasyon ay hindi lamang sa pamamagitan ng pag-uusap “

–– Pagkatapos nito anong uri ng trabaho ang pinagawa sa inyo?

Pagkatapos ng panahon ko sa Kirameki, itinalaga ako ng 3 taon sa head office, sa pakikipagtungo sa publiko at mga gawain sa pag-empleyo ng mga tauhan. Noong 2016 linipat ako sa “Sakigake, pasilidad para sa may kapansanan.” Dumaan ako sa mga trabaho sa pasilidad at mula Abril 2019 bilang bise-manedyer, sinusuportahan ko ang manedyer, nakikipagtungo sa lokal na pamahalaan, at namamahala sa mga tauhan. Ganunpaman, kahit ngayon nakatayo ako bilang ordinaryong empleyado sa pasilidad, pumapasok din ako ng night shift at sumasali din ako sa pagawaan.

Ang aming tinutulungan ay ang mga naging may kapansanan mula nang naging senior citizen sila at umiba nang kaunti ang kakayahan nila na makipag-komunikasyon. Ang mga senior citizen ay maaring makipag-komunikasyon sa pamamagitan ng pakikipag-usap lamang ngunit mayroong sa kanila na may kapansanan ang hindi nakakapagsalita, hindi makaintindi kung gagagamit ka ng salita lamang.

Dati may isang residente na sobrang uminom ng tubig, at nagkaroon pa ng sintomas ng pagkalason sa tubig, itong residente na ito ay kahit ilang beses mo sabihan ay makaunawa. Dahil dito nagsulat ako sa card na may kasamang mga picture ng dahilan kung “Bakit di dapat uminom masyado ng tubig”. Tuwing umuuwi siya sa bahay tuwing Sabado at Linggo mahilig siya lumabas kasama ng ate niya kaya noon pinakita ko sa card ang “Uminom ng maraming tubig” ⇒ “Mahihimatay” ⇒ “Dadalhin sa ambulansya” ⇒ “Di makakalabas kasama si ate” naintindihan niya kaagad at mula noon hindi na sobrang uminom ng tubig. Ang komunikasyon ay hindi lamang sa pamamagitan ng pagsalita. Nariyan ang litrato, drawing, paggalaw ng kamay. Nalaman ko na may maraming iba’t-ibang paraan ng komunikasyon.

Tumingin sa mga mata at makinig sa sasabihin ng kausap

–– Bukod sa magandang pakikipag-komunikasyon sa mga residente, ano pang ibang ginagawa ninyo upang ipakita ang inyong pagiging maalahanin?

Dapat ipaliwanag sa kanila ang dahilan. Bukod niyan, dapat makinig sa sasabihin nila nang nakatingin sa kanilang mata. Noong andoon ako sa pasilidad para sa mga bata, walang kinalaman ang pagiging may kapansanan o pagiging nakakatanda, dapat ilagay ang sarili sa katayuan ng kausap, at palagi kong iniisip tuwing makikisalamuha ako “Kapag nasabihan ba ako ng ganito, ano magiging pakiramdam ko?” upang masaya nila gawin ang anumang gawain. Ito ay paniniwala din ng Minami Yamashiro Gakuen pero dapat maging maingat ka na may tamang distansya sa mga residente. Hindi masyadong malapit, hindi masyadong malayo. Kahit na maging close kayo di dapat tawagin sa palayaw, dapat palaging gamitin ang “san”. Hindi rin kami gumagamit ng salitang pang-utos.

Mahalaga din ang komunikasyon sa pagitan ng mga tauhan. Sinisikap ko lalong-lalo na makuha ang opinyon ng mga nakakabatang tauhan. Palagi akong natutulungan ng kaalaman at karanasan ng mga beteranong tauhan ngunit sa palagay ko napakahalaga ang bagong kaalaman at mga ideya na naaral ng mga nakakabata. Noong 2019 may isang babaeng tauhan na mga 20 anyos ang nagsabi “Gusto kong gumawa ng department store,” at talagang tumawag ng supplier at nagbenta ng pagkain at anik-anik sa malaking lugar ng tipunan. Hindi karaniwan makatingin at makapamili ang mga residente kaya sobrang masaya lalong-lalo na ang mga babae na nakapili sila ng bilihin. Kung wala yun pagkakataon na iyon, di namin sana nakita ang saya sa mukha nila.

Gusto kong patuloy na baguhin ang imahe ng Pampublikong Kapakanan

–– Ano ang inyong hangarin para sa kinabukasan? Mga kinikitang isyu?

Balang araw gusto ko rin subukan pumasok sa pag-alaga ng mga bata o bahay ampunan. Katulad ko dati, lalabas ang mga bata ng mga pasilidad sa mundo, at kailangan mabuhay nang nag-iisa. At dahil doon gusto ko silang suportahan upang makaipon ng lakas habang nasa loob pa lamang ng pasilidad upang makayanang mabuhay sa mundo sa labas.

Kapag pag-usapan pa natin nang mas-malawak, sa palagay ko ang mga institusyon para sa Pampublikong Kapakanan, katulad ng mga pasilidad para sa may kapansanan atbp. ay mayroon pa ring imahe na pagiging nakasarado sa mundo. Kahit ganito na ang narating natin, mayroon pa ring malaking harang at nakakandado pa ito. Mayroon sa mga residente ang hindi alam ang batas-trapiko kaya may aspeto din na wala tayo magagawa kung pag-iisipan ang kaligtasan. Ngunit, sa karanasan ko sa pakikitungo sa publiko, gusto ko parami nang parami ang impormasyon na maikalat upang patuloy na mabago ang imahe ng Pampublikong Kapakanan. Sumali ako sa “Bayani ng Pampublikong Kapakanan” dahil sa ganitong pagnanais.

Sa Minami Yamashiro Gakuen may 3 cafe kaming pinapatakbo. Ang gulay na ginagamit sa menu ay pinalaki ng mga residente ng pasilidad para sa may kapansanan bilang isa sa kanilang mga trabaho. Sa mga tanggapan ng day service, nagbukas ng “Canteen ng mga Bata”. Bukod ng mga ito, nagbukas ng training para sa mga tauhan at maari din sumali ang mga mamamayan ng lugar. Nais ko na mas malapit maramdaman ang pagsilbi para sa Pampublikong Kapakanan sa pamamagitan ng aktibong pagkalat ng impormasyon, at pagdami ng koneksyon sa mga tao sa rehiyon. Hinihiling ko na balang-araw dadami ang mga tao na makaisip na “Gusto ko magtrabaho para sa Pampublikong Kapakanan.”

PROFILE
Soya Sato / Bise-manedyer ng Sakigake, Pasilidad para sa may Kapansanan
Nasilang sa siyudad ng Kyoto noong 1987. Noong 2010 pumasok sa Minami Yamashiro Gakuen, isang korporasyon para sa Pampublikong Kapakanan. Dumaan sa punong opisina ng Kirameki, isang pasilidad para sa kapakanan at pag-alaga ng mga nakakatanda. Mula 2016 nagtrabaho sa Sakigake, pasilidad para sa suporta ng mga may kapansanan. Naitalaga bilang bise-manedyer ng pasilidad mula Abril 2019. Aktibo bilang miyembro ng “Kyoto DWAT” grupo na pinapadala upang magsaklolo tuwing kalamidad, binubuo ng mga espesyalista sa Pampublikong Kapakanan, at kasama sa pagtulong sa mga lugar na naapekto ng Malakas na Lindol ng Kumamoto at ang Malakas na ulan sa Kanlurang Japan sa aspeto ng Pampublikong Kapakanan. Sa Oktubre ng parehong taon, napili para sa parangal ng “Bayani ng Pampublikong Kapakanan” bilang batang kawani na patuloy na hinahamon ang sarili sa iba’t-ibang isyu sa mga lugar naglilingkod para sa Pampublikong Kapakanan.

HOME